Tuesday, July 2, 2013

Fatayin ang "Filipinas"



Ano kaya ang masasabi ni Pres. Manuel Luis Quezon dito?

Sa unang pagkakataon ay magsusulat ako ng blog entry sa Tagalog. Ngayon, huwag na muna nating pag-usapan kung ano nga ba talaga ang tawag sa Wikang Pambansa: Tagalog, Pilipino, o Filipino. Sa isip ko, ang Tagalog ang orihinal na wika ng mga Tagalog na walang halong mga salitang banyaga. Ang Filipino naman ay ang wika na  base sa Tagalog at may mga dagdag na mga salitang-hiram mula sa Español at Ingles. Pero kung iisipin, sa ibang mga buhay na wika (living languages), ang mga salitang banyaga na hiram ay itinuturing na ring bahagi ng wikang iyon. (Halimbawa, walang letrang “K” sa Español, pero sa mga salita tulad ng karaoke at karate—na mga salitang Hapones—ang mga ito ay itinuturing na ring “Español”.) Kaya, ang Tagalog na may mga salitang banyaga ay Tagalog pa rin.


Naglabas ng Resolusyon (Blg. 13-19 Serye ng 2013)  ang Komisyon ng Wikang Filipino “na ibalik ang gamit ng 'Filipinas' habang pinipigil ang paggamit ng 'Pilipinas'. (Tignan din ang webpage na ito.)

Sumulat ng isang editoryal na pinamagatang “Patayin ang ‘Pilipinas’” si Komisyoner Virgilio Almario (na unang inilathala sa Diyaryo Filipino noong 1992) na nagpapaliwanag kung bakit dapat “Filipinas” ang ating bansa. (Si Kom. Almario ay isang Pambansang Alagad ng Sining at karapat-dapat lamang ng aking paggalang. Patawarin niya nawa ang mga sasabihin ko.)

Una, gusto niyang “burahin” ang pangalan “Philippines” sa ating bansa. Ayon sa kanya, ang mga dating kolonya ng España tulad ng Puerto Rico, Cuba, Mexico, Chile, atbp. Ay di napalitan ng Ingles ang pangalan. Pero para sa akin, bakit kailangang “burahin” ang pangalang “Philipines” kung ito naman talaga ang pangalan natin sa Ingles? May mga bansa na may pangalang Ingles  at katutubong pangalan, tulad ng India (Bharat), Greece (Hellada), Austria (Österreich), China (Zhōngguó) at marami pang iba. Kung may pangalang Ingles ang ating bansa, problema ba iyon?

Dagdag pa rin, sinabi ni G. Almario na ang orihinal na pangalang ibinigay sa atin ng mga Kastila ay “Filipinas”. Ito rin daw tawag ng ating mga bayani sa ating bansa. Ang pangalang “Pilipinas” ay unang ginamit raw ni Lope K. Santos noong unang bahagi ng ika-20 siglo. Kaya ibinabalik lamang ang pangalan ng ating bansa sa orihinal. Kung tinanggihan ang pangalang “Philippines” dahil binyag nito na mga “imperyalismong” Amerikano, bakit naman hindi tanggihan ang pangalang ibinigay ng mga “imperyalismong” España?

Ikalawang, para kay G. Almario, “kakatwa” na ang wika natin ay “Filipino” at ang bansa ay “Pilipinas”. Ano pong “kakatwa”rito? Pero nasanay na ako na tawaging Filipino ang wika at Pilipino ang tao (“Ako po ay Pilipino at Filipino ang wika ko”). Pero sa English, ang tao at ang wika ay pareho ang tawag, tulag ng Filipino, Korean, Japanese, at Chinese. At ang pambasang wika ng India ay hindi “Indian” kundi Hindi.

Inaamin din ni G. Almario at ng Resolusyon ng KWF na magiging magastos ang pagbabago ng mga pangalan ng mga ahensiya at pagpapalit ng mga karatula, pera, notepad, atbp. At asiwa nga kung ang UP ay tatawaging *”University of Filipinas” (o, *“Unibersidad ng Filipinas/Pamantasan ng Filipinas”?). :-/

Wala po akong makitang dahilan upang palitan ang pangalan ng ating bansa ng “Filipinas”.

“Pilipinas” ang pangalan ng bansa ng mga Pilipino. Di na kailangang baguhin ang ispeling n'yan. 'Ika nga sa Ingles, “If it ain't broke, don't fix it.”

* * *

Ang pagpapalit ng KWF sa pangalan ng bansa na “Filipinas” mula sa “Pilipinas” ay maaring maging labag sa Konstitusyon.


Ang Kongreso, sa pamamagitan ng batas, ay maaaring magpatibay ng isang bagong pangalan ng bansa, isang pambansang awit, o isang pambansang sagisag, na pawang tunay na naglalarawan at sumisimbulo ng mga mithiin, kasaysayan, at mga tradisyon ng sambayanan.  Ang nasabing batas ay dapat magkabisa lamang pagkaratipika ng sambayanan sa isang pambansang referendum. (Artikulo XVI, Seksyon 2. Dinagdagan ng diin.)

The Congress may, by law, adopt a new name for the country, a national anthem, or a national seal, which shall all be truly reflective and symbolic of the ideals, history, and traditions of the people. Such law shall take effect only upon its ratification by the people in a national referendum. (Article XVI, Section 2. Emphasis added.)

Lumalabas sa Saligang Batas na tanging ang Kongreso (Ang Senado at ang Kamara de Representantes) ang maaring magpasa ng batas upang baguhin ang pangalan ng bansa! At ang batas na ito ay dapat pagtibayin sa isang referendum—kailangang ito ay pagbotohan sa isang pambansang eleksyon! Sa opinyon ko, nalampasan ng KWF ang kanyang saklaw sa pagpalit ng pangalan ng bansa, dahil ito ay nasa kapangyarihan lamang ng Kongreso at ng mamamayang Pilipino!

1 comment:

  1. Very well said, Sir.

    You have aired exactly what I have in mind.

    Maraming salamat po.

    Ako ay Pilipino, ipinanganak sa Pilipinas at Filipino ang wika ko :D

    Jayzl

    ReplyDelete